Muling pinatunayan ng Mangaldan Municipal Police Station (MPS) ang kanilang kahusayan sa paglilingkod matapos tanghaling Top 1 sa lahat ng PNP stations sa Region 1 sa ilalim ng Class A municipality category.

Sa pamumuno ni PLTCOL. Perlito Tuayon, Chief of Police ng Mangaldan MPS, nanguna ang istasyon sa mga pamantayang itinakda ng regional office ng Philippine National Police (PNP), partikular sa larangan ng pag-aresto sa mga kriminal, pagresolba ng mga kaso, at bilis ng pagtugon sa mga insidente.

Ayon kay PLTCOL. Tuayon, ang pagkilalang ito ay bunga ng dedikasyon ng kanyang mga tauhan, at higit sa lahat, ang pakikipagtulungan ng mga mamamayan at ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan.

--Ads--

Mula sa sampung bayan na napili sa buong Region 1, pinuri ang Mangaldan MPS dahil sa malinaw na rekord ng serbisyo, mga estratehiya sa mabilis na pagresponde, at 5-minute response time goal na kanilang sinusunod upang maparating agad ang tulong sa publiko.

Bukod sa pagiging mabilis, kilala rin ang mga pulis ng Mangaldan bilang madaling lapitan, maasahan, at tunay na nakatuon sa kapakanan ng mamamayan.

Umaasa si PLTCOL. Tuayon na mapapanatili nila ang nasabing ranggo sa mga susunod na taon, kasabay ng kanilang patuloy na inisyatiba para sa mas ligtas at maayos na pamayanan.