Dagupan City – Naghahanda na ang Manaoag Traffic Operation Office ng traffic plan para sa nalalapit na Semana Santa 2025 dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga debotong Katoliko sa Minor Basilica of the Holy Rosary of Manaoag.
Simula sa susunod na linggo, inaasahan na ang pagdami ng mga bisita sa Simbahan na mangagaling sa ilang lugar sa lalawigan at sa iba’t ibang panig ng bansa.
Batay sa tala, nasa mahigit 8 milyon ang nagiging turista sa bayan ng Manaoag sa buong taon dahil kilala ito bilang Pilgrimage Tourism Site hindi lang sa Rehiyon uno kundi sa buong bansa kaya inaasahan na nasa libo-libo ang magtutungo dito sa buong linggong kaganapan ng Mahal na araw.
Ayon kay Crisanto De Guzman, pinuno ng nasabing opisina, hindi sila nababahala sa dami ng sasakyan dahil sanay na sila sa mga ganitong okasyon.
Magpapatupad na lamang sila ng rerouting para sa mga sasakyan upang maiwasan ang pagsisiksikan malapit sa simbahan.
Dahil dito, nanawagan siya sa mga motorista na magpakita ng disiplina sa pagmamaneho at pagpapark para maiwasan ang matinding trapiko.
Samantala, matatandaan na naglabas ng abiso ang lokal na pamahalaan ng Manaoag para sa Truck Ban sa ilang kalsada sa bayan kung saan ipapatupad sa darating na Abril 16 hanggang 20 (Miyerkules hanggang Linggo) para matiyak ang kaligtasan, kaayusan, at pagiging tahimik ng nasabing okasyon.