Kinumpirma ni Manaoag Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario na “All systems go” na sa kanilang paghahanda para sa ika-100 anibersaryo ng Canonical Coronation ng Our Lady of the Holy Rosary of Manaoag sa darating na Abril 22, 2026.

Aniya na ito na ang maituturing na pinakamalaking event sa bayan ng Manaoag at nang buong lalawigan dahil dadagsain ito ng milyon-milyong deboto.

May countdown na aniya ang Basilica kung saan 98 araw na lamang ang nalalabi bago ang kaganapan kaya abala na ang loob at labas ng Basilica.

--Ads--

Kasalukuyan nang isinagsagawa ang repainting ng mga gusali at pinapabilis ang renovation ng Rizal Park at pasalubong center.

Sa Basilica, inaayos na ang mga restroom, perimeter fencing at pagpapaganda sa bakod nito na nilalagyan ng mga bricks para maibalik ang dating itsura nito.

Saad pa niya na sa mismong sentenaryo ay magkakaroon ng malaking altar sa harapan ng Basilica upang makita at masaksihan ng mga deboto ang pagkokorona sa Apo Baket.

Dahil sa inaasahang pagdagsa ng tao, maglalagay ng ilang LED wall palibot sa sentro ng bayan partikular sa harapan ng simabahan at magkakaroon naman ng dagdag na seguridad ang buong bayan para sa kaligtasan ng mga bisitang dadalo.

Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan ang kaayusan at kalinisan kung kayat bumuo na sila ng task force para sa trapiko, parking, at pansamantalang palikuran sa mga strategic areas.

Inaasahang magiging abala ang gitna ng bayan, kaya’t ilalagay ang mga parking area sa perimeter habang magpapatupad naman ng truck ban isang linggo bago ang event.

Binanggit naman nito na magkakaroon ng pansamantalang paglipat sa ilang mga vendors sa harapan ng simbahan dahil papaluwangin ang entrada nito para sa mga papasok na taong makikiisa kaganapan.

Samantala, Iniinbihan naman nito ang publiko na dumalo sa kasilang natatanging kaganapan at pinapayuhan ang lahat na mag-book nq ng matutuluyan nang maaga dahil baka maubusan ng mga hotel sa dami ng inaasahang indibidwal.