DAGUPAN, CITY— Tiniyak ng Manaoag PNP ang kanilang kahandaan kaugnay ng Undas 2020 sa gitna ng Covid-19 Pandemic.

Sa katunayan, ayon kay Police Major Reinweck Alamay, hepe ng Manaoag PNP, handang handa na ang kanilang hanay para sa Undas at kasama sa kanilang ginawa ang clustering ng mga Barangay, kung saan binigyan ang mga ito ng kanya-kanyang schedule sa pagpunta ng sementeryo.

Apat na mga sementeryo ang binabantayan ng Manaoag PNP at bilang bahagi ng pagsunod sa mga panuntunan ng IATF, magpapatupad sila ng mga health protocols katulad ng pagsusuot ng facemask at faceshield, pagmentena sa social distancing, at ang limitadong bilang lamang ng mga papapasukin sa mga sementeryo, kung saan napagdesisyunan na dalawa kada household lamang ang papapasukin, at ang mga ito ay hindi na pwede pang bumalik sa oras na makalabas na ng sementeryo.

--Ads--

Sa usapin naman ng Liquor Ban, wala pang umiiral na ganoong kautusan sa nabanggit na bayan, ayon na rin sa hepe ng pulisya.

Aminado naman si Alamay na malaki ang hamon ngayong Undas 2020 dahil sa nararanasan parin na epekto ng Covid-19 Pandemic, kaya naman kailangan na mag-ingat ng lahat ng tao, lalo na at kalat na ang nasabing sakit. Bilang tulong naman sa kanilang hanay, sinabi ni Alamay na kanilang makakatuwang ang mga BPATS, kasama na ang BFP, mga force multipliers ng LGU at augmentation forces mula sa Camp Tito Abat.

October 14 pa nang magsimula na ang pagdalaw ng mga residente sa mga sementeryo at ito ngayon ang binabantayan ng hanay ng PNP. (with reports from: Bombo Lyme Perez)