Dagupan City – Nagbigay ng babala ang Manaoag Municipal Police Station sa mga deboto at turista na bibisita sa darating na holy week sa simbahan ng Our Lady of the Holy Rosary of Manaoag na mag-ingat sa modus ng mga mapagsamantalang indibidwal.

Ayon kay Pmaj. Peter Paul V. Sison ang Officer in Charge ng nasabing himpilan na hindi nawawalan ng bisita ang bayan sa bawat araw ngunit inaasahang mas marami ang maaring dumagsa na aabot sa libo-libong bisita tuwing sasapit ang holy week.

May mga ginagawa na silang paghahanda upang matutukan ang anumang kriminalidad na maaring mangyari sa bayan.

--Ads--

Inaasahang mabibigyan sila ng dagdag pwersa o augmentation forces mula sa Pangasinan Police Provincial Office para maging sapat ang bilang ng pulis na titingin sa seguridad ng bawat bisita.

Saad niya na kapag may mga ganitong kaganapan nagsisilipana ang mga magnanakaw o modus.

Pagbabahagi nito na noong nakalipas na buwan ay may nahuli na silang mga indibidwal na sangkot sa “pick pocketing” na ang modus ay iniipit sa nagsisiksikang mga tao sa daanan ang biktima upang makuha ang pera o pinuputol ang alahas gaya ng kwintas at iba pa.

Hindi naman aniya residente sa lalawigan ang mga suspek kundi dayo mula sa Ilocos sur na may mga records na din doon.

Ginagawa na aniyang pangkabuhayan ng mga suspek ang pangmomodus kaya masasabi nitong sanay na sanay na sila.

Samantala, paalala naman nito sa publiko na pag-ingatan ang alahas o mamahaling bagay lalo na kapag pupunta sa mataong lugar upang hindi maging biktima ng mga modus o pagnanakaw.