Dagupan City – Mahigpit na tutukan ng Manaoag Municipal Police Station (MPS) ang seguridad at kaligtasan ng mga debotong dadalo sa siyam na araw na Simbang Gabi na magsisimula sa Disyembre 16 sa Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag.

Inaasahan kasing dadagsa ang mga deboto mula sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan at mga karatig-probinsya.

Dahil dito, magpapatupad ang mga awtoridad ng mas pinaigting na mga hakbang sa seguridad upang masiguro ang kaayusan at kaligtasan sa loob at paligid ng bayan, lalo na sa mga oras ng misa.

--Ads--

Samantala, naghahanda na rin ang mga vendor sa paligid ng simbahan dahil sa inaasahang pagdami ng mga mamimili at pagtaas ng kanilang benta ngayong panahon ng Simbang Gabi.

Hinimok naman ng kapulisan ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad, sumunod sa mga ipinatutupad na patakaran, at maging mapagmatyag upang matiyak ang isang maayos, mapayapa, at ligtas na pagdiriwang ng Simbang Gabi sa Manaoag.