DAGUPAN CITY- Patuloy ang pagiging alerto ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Manaoag sa binabantayang Bagyong Nando, bilang paghahanda sa posibleng epekto nito sa bayan.

Ayon kay Carlito Hernando, pinuno ng MDRRMO, Sabado pa lamang ay naka-activate na ang kanilang mga tauhan para sa posibleng operasyon, lalo na kung tuloy-tuloy ang ulan at umapaw ang tatlong ilog sa bayan gaya ng Angalacan, Aloragat, at Sinucalan.

Katuwang ng MDRRMO ang mga kasapi ng MDRRM Council sa pamumuno ni Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario upang mabilis na matugunan ang mga ulat mula sa mga residenteng nangangailangan.

--Ads--

Aniya na sapat ang kanilang mga responders at equipment para sa mga ganitong sitwasyon, at inaayos na rin ang mga kakailanganing pagkain para sa mga posibleng evacuees.

Saad niya na kaninang umaga ay nagkaroon ng ulat ng pagbaha sa ilang bahagi ng Barangay Sapang at Pugaro, ngunit agad itong tinugunan ng mga kinauukulan lalo na sa Engineering Office gamit ang backhoe dahil sa nakitang walang labasan ng tubig at baradong kanal kaya naayos naman agad.

Samantala, nanatili pa ring nasa normal ang lebel ng tubig sa kanilang nasasakupan batay sa kanilang pagmomonitor bawat oras.

Layunin ng kanilang paghahanda na mapabilis ang aksyon sa mga tawag na kanilang matatanggap, dahil kaligtasan ng kanilang mamamayan ang kanilang prayoridad.