Dagupan City – Inihayag ni Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario na ang Manaoag ay may potensyal na maging pangunahing lugar para sa promosyon ng mga produkto at destinasyon ng turismo sa buong lalawigan.

Kilala ang Manaoag bilang “Blessing Capital of the World” at dinarayo ng milyon-milyong turista taun-taon dahil sa Minor Basilica of Our Lady of the Holy Rosary.

Ayon sa alkalde, malaki ang oportunidad na ipakilala ang iba’t ibang produkto ng Pangasinan, tulad ng pagkain, handicrafts, at iba pang lokal na yaman.

--Ads--

Sa kasalukuyan, may ipinapatayong Pasalubong Center sa inisyatiba ni 4th District Congresswoman Gina De Venicia, na may pondong ₱12 milyon at inaasahang matatapos sa susunod na taon.

Saad pa nito na dito nila ilalagay o ipupunta ang mga ibat ibang podukto galing sa mga ipinagmamalaki ng bawat bayan o lungsod sa lalawigan na tiyak na tatangkilikin ng mga turista

Tinututukan din ang mga pagsasanay para mga tourism officer upang mahasa sila sa pag-promote sa bayan at mga kilalang pasyalan sa lalawigan.

Kaugnay nito, abala rin ang lokal na pamahalaan sa paghahanda para sa Centennial Canonical Coronation ng Our Lady of the Holy Rosary na gaganapin sa ika-22 ng Abril sa susunod na taon.

Inaasahan ang pagdagsa ng nasa mahigit 2 milyon o double pa na deboto sa napakalaking kaganapang ito.

Para sa nasabing okasyon, may mangyayaring pagsasaayos ng perimeter fence ng simbahan para sa restoration nito at planong paglalagay ng altar sa harapan ng simbahan upang masaksihan ng mga deboto ang pagpuputong ng korona sa Mahal na Birhen.

Magkakaroon din ng rerouting, dagdag na seguridad, at iba pang tulong mula sa iba’t ibang ahensya.