DAGUPAN CITY- Patuloy ang pinaigting na pagpapatupad ng mga batas-trapiko lalo na laban sa mga sasakyang paulit-ulit na nahuhuli dahil sa maling pagparada sa lungsod ng Dagupan

Dahil lingguhan kung masita ang ilang motorista sa parehong paglabag, nagdesisyon ang Public Order and Safety Office (POSO) na dagdagan ang parusa para sa mga lalabag muli.

Ayon kay Rexon De Vera, Deputy Chief ng tanggapan, Target din ng ahensya na maglagay ng mas maraming karatula sa mga pangunahing kalsada upang magsilbing gabay sa mga motorista.

Hindi lamang maling parking ang binabantayan ng POSO, Kasama rin sa kanilang operasyon ang mga illegal vendors na nakapuwesto sa mga bangketa at daan, partikular na sa downtown area.

Ayon sa kanila, nakikipag-ugnayan na sila sa Anti-Littering Unit upang linisin at ayusin ang sitwasyon sa mga lugar na nagdudulot ng abala sa daloy ng trapiko.

Kasabay nito, muling pinaalalahanan ng ahensya ang mga motorista na magsuot ng helmet. Isa rin ito sa kanilang mahigpit na babantayan sa araw-araw na inspeksyon.

Samantala, inamin ng POSO na hindi maiiwasan ang reklamo mula sa mga motorista, lalo na sa epekto ng mga kasalukuyang road works.

Gayunman, tiniyak nilang pansamantala lamang ang abala at inaasahang magdudulot ito ng mas maayos na daloy ng trapiko kapag natapos ang mga proyekto.

Sa huli, panawagan ng POSO ang disiplina at kooperasyon ng bawat motorista para sa maayos na daloy ng trapiko sa lungsod ng Dagupan.

--Ads--