BOMBO DAGUPAN – Libu-libong kababaihan sa West Bengal sa India ang nagmartsa sa mga lansangan bilang protesta laban sa panggagahasa at pagpatay sa isang trainee na doktor sa isang ospital na pinamamahalaan ng estado sa Kolkata noong nakaraang linggo.
Ang Reclaim the Night march ay kasunod ng brutal na panggagahasa at pagpatay sa isang 31-taong-gulang na babaeng trainee na doktor sa RG Kar Medical College.
Bagamat mapayapa ang mga protesta, nagkaroon naman ng sagupaan sa pagitan ng pulisya at isang maliit na grupo ng mga hindi kilalang lalaki na pumasok sa RG Kar Hospital, ang lugar kung saan ay pinatay ang doktor, at hinalughog ang emergency department.
Nagpaputok naman ng tear gas ang mga pulis para buwagin ang hindi makontrol na mga tao.
Nasira rin ang ilang sasakyan ng pulisya.
Samantala, may mga hiwalay ring maliit na protesta sa maraming iba pang lungsod ng India tulad ng Delhi, Hyderabad, Mumbai at Pune.
.