DAGUPAN CITY- Binigyan linaw ng isang psychologist na bagaman ‘below the belt’ na ang natatanggap na batikos ng mga tinaguriang Nepo Babies mula sa mga netizens ay maituturing pa rin itong pag-call out dulot ng issue na kinakaharap ng kanilang mga magulang na kontratista ng ghost projects.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Riyan Portuguez, isang psychologist, importanteng maintindihan ang pinagmumulang galit ng mga netizens na bumabatikos sa mga ito.

Aniya, magiging bullying ito kung may ‘power imbalance’ subalit, sa katunayan ay sila pa ang biktima ng maanumalyang flood control project.

--Ads--

Bukod pa riyan, wala rin ‘intentional harm’ dahil nais lamang nilang mapakinggan sila at magdemand ng ‘accountability’.

Dagdag pa niya, hindi rin nakikitaan ng ‘reputation abuse’ ang pag-call out ng mga netizens.

Ani Portuguez, ‘justifiable’ ang ipinapakitang pambabatikos ng mga netizens dahil matagal na rin umiiral ang panloloko sa taumbayan.

Samantala, pinaliwanag naman niya na maaaring na-kondisyon na ang mga anak ng mga sangkot na kontratista na ‘inspiring i-flex’ ang kanilang mga ari-arian kung saan normal na ito sa kanilang kaugalian.

Maaari rin dahil sa tinatawag na ‘Dark Triad’ ang pagpapakita ng mga mamamahaling ari-arian o may angkin na kaugalian na ‘self-entitled’, machiavellianism, at narcissism.