Mahigit sa 100 international aid organisations and human rights groups ang nagbabala tungkol sa malawakang kagutuman sa Gaza at nananawagan sa mga pamahalaan na kumilos agad.

Kabilang sa mga lumagda sa isang pinagsamang pahayag ang Médecins Sans Frontières (MSF), Save the Children, at Oxfam, kung saan ay nagkakaisang nagsabi na ang kanilang mga kasamahan at mga taong kanilang tinutulungan ay unti-unting namamatay.

Tinanggihan naman ng Israel ang pahayag ng mga organisasyon at inakusahan ang mga ito na nagpapakalat ng propaganda ng Hamas.

--Ads--

Lumabas ang babalang ito kasunod ng ulat ng Health ministry sa Gaza, na pinamumunuan ng Hamas, na sampung (10) Palestino pa ang namatay sa nakalipas na 24 oras dahil sa malnutrisyon.

Samantala, iniulat din ng United Nations (UN) na may mga taong isinugod sa mga ospital na nasa matinding pagkapagod at panghihina dahil sa kakulangan sa pagkain, at ang ilan ay bumabagsak sa gitna ng lansangan dahil sa gutom.

Mula buwan ng Marso, ay ipinatupad ng Israel ang kumpletong blockade sa mga pagpasok ng tulong sa Gaza at pagkatapos ng dalawang linggo ay muling inilunsad ang opensibang militar laban sa Hamas, na tuluyang nagwakas sa dalawang buwang tigil-putukan.

Sinabi ng Israel na layunin nitong pwersahin ang Hamas na palayain ang natitirang mga bihag na Israeli.

Bagamat bahagyang niluwagan ang blockade makalipas ang halos dalawang buwan kasabay ng babala mula sa mga pandaigdigang eksperto tungkol sa banta ng taggutom lalo pang lumala ang kakulangan sa pagkain, gamot, at gasolina.