Patuloy ang pagsasagawa ng malawakang disinfection sa buong bayan ng San Fabian lalo na sa mismong tahanan ng kauna-unahang biktima ng Covid-19 sa kanilang lugar.

Ayon kay MDRRMC Officer Engr. Lope Juguilon, inumpisahan na nilang magsagawa ng ‘disinfection decontamination’ sa mismong lugar o bahay ng biktima katuwang ang hanay ng Bureau of Fire Protection BFP, maging ang ilang opisyales ng Municipal Health Office.

Maigting din aniyang minomonitor ang mga kaanak ng biktima maging ang kanilang mga kabarangay upang makita kung mayroon ding na infect sa kanila.

--Ads--

Giit ni Juguilon na mahigpit pa din nilang ipinatutupad ang social distancing lalo na sa kanilang pamilihang bayan at sa katunayan, mayroon na silang inilatag na schedule kung kailan ito magbubukas at kung hanggang anong oras lang pwedeng makapamili upang mamintina din ang galaw ng mga tao.

Matatandaan na noong Miyerkules April 1, naitala ang unang kaso ng Covid-19 sa kanilang nasasakupan partikular na sa Brgy. Inmalog kayat minabuti nilang pulungin lahat ng kanilang mga Brgy. Officials upang mapag usapan ang ilang mga hakbang para malabanan ang naturang sakit.

Bilang pagtalima sa direktiba ni Gov. Amado ‘Pogi’ Espino III, doble ingat at mas pinaigting na checkpoint operations din ang kanilang isinasagawa kung saan, ipinagbabawal nila ang pagpapapasok ng ibang mga residente lalo na kung manggagaling sa labas ng probinsiya.

Hiling naman ng opisyal na sabayan ng dasal at disiplina ang pagtalima sa mga alituntuning ipinatutupad upang mapuksa at malimitahan ang paglaganap ng Covid-19.