Dagupan City – Alinsunod sa pagdiriwang ng Malaria at Filariasis Awareness Month, nakipag-ugnayan ang Ilocos Center for Health sa lalawigan ng Pangasinan sa pagsasagawa ng Malaria Stakeholders Forum na ginanap sa bayan ng Lingayen.
Dinaluhan ang forum ng iba’t ibang stakeholders sa lalawigan kabilang ang health care workers, employment services officers, tourism officers.
Kung saan nilalayon ng aktibidad na ito na palakasin ang pakikipagtulungan ng bawat stakeholders upang maiwasan ang muling paglitaw ng mga kaso, at magtaguyod ng ligtas at malusog na kapaligiran.
Ang malaria ay isang parasitikong impeksyon na naililipat sa kagat ng infected na babaeng lamok na Anopheles. Kung hindi ito maagapan, maaari itong mauwi sa malalang sakit na maaaring magdulot ng kamatayan.
Ibinahagi naman ng Ilocos Center Health Develpment 1 na upang maiwasan ang malaria, kailangang malaman ng publiko ang mga endemic na lugar; iwasan ang kagat ng lamok sa pamamagitan ng pagsusuot ng damit na mahahaba ang manggas at paggamit ng mga insect repellant at kulambo; kumuha ng prophylactic treatment kapag bumibiyahe sa mga endemic na lugar; at agad na magpakonsulta sa doktor kung makaramdam ng sintomas ng malaria. (Aira Chicano)