Posibleng maapektuhan ang produksyon ng bangus sa Pangasinan dahil sa patuloy na malamig na panahon na nararanasan sa kasalukuyan, ayon sa isang eksperto sa aquaculture.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Dr. Westly Rosario, dating director ng National Integrated Fisheries Technology Development Center ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, na ang bangus, tilapia at iba pang tropical fish species ay sensitibo sa malamig na temperatura.
Ipinaliwanag ni Rosario na ang mga isda sa Pilipinas ay tinatawag na warm-water species, kaya bumabagal ang kanilang paglaki kapag bumababa ang temperatura ng tubig.
Ayon sa kanya, base sa mahigit dalawang dekada niyang karanasan sa pag-aalaga ng bangus sa Dagupan City, karaniwang humihinto o bumabagal ang paglaki ng mga isda simula Oktubre hanggang Nobyembre dahil sa malamig na panahon.
Gayunman, napansin umano na kahit Marso na—panahon kung kailan dapat nagsisimulang bumilis muli ang paglaki ng bangus ay nananatiling malamig ang temperatura, na posibleng may kaugnayan sa epekto ng climate change.
Dahil dito, pinapayuhan niya ang mga fish farmer na maging maingat sa pagpapakain sa kanilang mga alaga. Kapag malamig ang panahon, mas kaunti umano ang kinakain ng mga isda kaya posibleng masayang lamang ang feeds kung sosobra ang ibibigay.
Dagdag pa ng eksperto, mahalaga ring bantayan ang pagbabago ng temperatura lalo na kapag mainit ang panahon at biglang umulan dahil maaari itong magdulot ng stress sa mga isda at maging sanhi ng kakulangan ng oxygen sa tubig.
Ipinaliwanag niya na kapag namatay ang algae sa tubig dahil sa biglaang pagbabago ng temperatura, maaari nitong maubos ang oxygen na kinakailangan ng mga isda at hipon upang mabuhay.
Bukod dito, binigyang-diin ni Rosario na mahalagang mapanatili ang tamang lalim ng mga palaisdaan.
Aniya, karamihan sa mga fishpond sa Pangasinan ay mababaw, kaya madaling maapektuhan ng init o lamig ng panahon.
Sa huli, pinayuhan ni Rosario ang mga bangus grower na maging mas maingat sa pamamahala ng kanilang mga palaisdaan, lalo na sa wastong pagpapakain ng isda, upang maiwasan ang pagkalugi.










