DAGUPAN CITY – Kailangan na magsagawa ng malalimang pananaliksik at imbestigasyon para mapatunayan kung totoong nanghihimasok ang China sa papalapit na May 2025 National and Local elections.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Prof. Danilo Arao, Convenor ng Kontra Daya, sinabi nito na noon pa man ay nangyayari na ang foreign intervention sa halalan kung kaya ipinanawagan nila noong 2010 na patalsikin ang smartmatic bilang technology provider.
Ang teknolohiyang ito aniya ay isa umanong ibidensya ng foreign intervention sa eleksyon.
Pero kahit na napalayas ang smartmatic ay miru machines naman ang pumalit na teknolohiya kaya naroon pa rin ang pakikialam ng dayuhan.
Matatandaan sa pagdinig ng Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones, sinabi ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya na may operasyon na ginagawa ang Chinese state-sponsored sa Pilipinas kung saan nakikialam ito upang manalo ang mga kandidato na sumusuporta sa China at sirain naman ang mga kandidatong tumutuligsa sa kanila.
Inamin ng Malakanyang na labis na nakaka-alarma ang pahayag na itong NSC.