Ibinabala ng Samahang Magbabangus sa Pangasinan (SAMAPA) na patuloy na naaapektuhan ang kabuhayan ng maliliit na mangingisda dahil sa pagpasok ng malalaking fishing vessels sa mga karagatang saklaw ng kanilang pangingisda.

Ayon kay Christopher Aldo Sibayan, Presidente ng nasabing samahan, hindi lamang mga bangus grower ang nakararanas ng epekto kundi maging ang mga small fisherfolks.

Ipinaliwanag ni Sibayan na nagkakaroon ng matinding kompetisyon sa limitadong yamang-dagat dahil sa operasyon ng malalaking sasakyang pangisda.

--Ads--

Aniya, ang mga huling isda na dapat sana’y napapakinabangan ng maliliit na mangingisda ay nauunahan na ng mga malalaking barko na may mas mataas na kapasidad sa pangingisda.

Dahil sa dami ng nahuhuling isda ng malalaking fishing vessels, bumabagsak din umano ang presyo ng mga isdang dinadala sa pamilihan.

Kapag naibabagsak sa merkado ang malalaking volume ng huli mula sa dagat, naaapektuhan ang presyo ng mga produktong mula sa aquaculture tulad ng bangus at tilapia.

Ayon sa grupo, ito ay nagiging dagdag na hamon hindi lamang sa mga municipal fisherfolk kundi maging sa aquaculture industry sa lalawigan.

Binanggit din ng SAMAPA ang usapin ng pagpasok umano ng ilang malalaking fishing vessels sa loob ng 15-kilometrong municipal waters, na ayon sa batas ay nakalaan para sa maliliit na mangingisda.

Dahil dito, mas lalo umanong nalilimitahan ang espasyo at oportunidad ng mga small fisherfolks na makapangisda nang sapat para sa kanilang kabuhayan.

Nanawagan ang samahan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng umiiral na mga regulasyon upang maprotektahan ang karapatan at kabuhayan ng maliliit na mangingisda sa Pangasinan.