Malalakas na pag-ulan ang nagdulot ng pagbaha sa ilang bahagi ng Japan, kabilang ang Nagoya, habang nagpapatuloy ang hindi pangkaraniwang haba ng tag-ulan sa bansa. Hindi karaniwang nakararanas ng ganitong kalakas na pag-ulan ang ilang lugar sa panahong karaniwang itinuturing na tag-init.


Ayon kay Bombo International News Correspondent Myles Briones Beltran, kabilang ang Tokyo sa mga lugar na nakaranas ng matinding buhos ng ulan kahit hindi ito karaniwang binabaha. Mabilis namang humuhupa ang tubig sa Tokyo kapag tumitigil ang ulan, habang mas mabagal ang pagbaba nito sa ilang probinsya. May mga sasakyan ding inanod ng baha dahil sa lakas ng agos.


Dagdag niya, isang tao ang nasawi at tinatayang 14 ang nasugatan dahil sa epekto ng masamang panahon. Nagpatupad din ng mga hakbang pangkaligtasan sa ilang lugar, kabilang ang pansamantalang pagsususpinde ng klase kapag matindi ang pag-ulan.

--Ads--


Sa Japan, karaniwang ipinagpapaliban lamang ang pasok sa paaralan sa loob ng ilang araw kapag masama ang panahon at agad itong ipinagpapatuloy kapag bumuti na ang sitwasyon. Patuloy namang minomonitor ng mga awtoridad ang mga lugar na binabaha at ang iba pang panganib na dulot ng matinding pag-ulan.