DAGUPAN CITY- Sumiklab kagabi ang malaking sunog sa isang kilalang auto supply shop sa bahagi ng Barangay Babasit, sa bayan ng Manaoag, Pangasinan.
Ayon kay Municipal Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario, nagsimula ang sunog bandang pasado alas-7 ng gabi at agad itong nirespundehan ng mga bumbero, sa tulong na rin ng mga Bureau of Fire Protection (BFP) ng mga kalapit bayan, kabilang na ang syudad ng Dagupan.
Aniya, natagalan lamang ang pag-apula sapagkat, ang nasabing gusali ay maraming laman na petrolyo at mga gulong.
Idineklara naman na fire-out ang sunog bandang alas-11:19 ng gabi.
Laking pasasalamat ng alkalde na walang naitalang nasawi o sugatan mula sa insidente at naapula ang sunog nang ligtas sapagkat malapit lamang ito sa isang gasolinahan.
Samantala, nagdulot naman ng oil spill ang naturang insidente dahilan upang maging madulas ang kalapit kakalsadahan.
Bagaman ito ay national highway, kanilang pinag-iingat ang mga motorista sa pagdaan upang maiwasan ang anumang hindi inaasahang insidente.
Kanilang napagpasyahang ipasara muna ang naturang daan habang nililinis pa ito at inaasahan aabot ngayon umaga ang paghigpit ng mga awtoridad.
Kanilang tatabunan ng buhangin ang kalsada bago hugasan upang matanggal ang nasabing pagkamadulas na lagay nito.
Labis naman nagpapasalamat ang alkalde sa kalapit bayan na tumulong apulahin ang sunog.










