BOMBO NEWS ANALYSIS – Bagamat natapos na ang 2024 Paris Olympics, nag-uumapaw pa rin ang saya ng sambayanang Pilipino dahil sa naiuwing dalawang ginto at dalawang tansong nakamit ng tatlo sa ating mga atleta na sina Carlos Yulo, sa dalawang gintong handog gayundin kina Aira Villegas at Nesthy Petecio, sa tig-isang tanso.
Ito na ang pinakamasaya’t pinakamayamang Olympics na nasalihan ng Pilipinas.
Hindi lang lakas, galing, tatag ng katawan ang mayroon sila kundi ang tibay ng isipan, damdamin, diwa at katawan.
Kaya kung merong mananalong Pinoy o Pinay sa anumang paligsahan sa sport o iba pang larangan, ang taumbayan na rin ang mistulang nanalo at nagtagumpay.
Ang tagumpay nila ay tagumpay nating lahat.
Sa kabila ng mga hamon na kanilang hinarap sa training at iba pa, hindi maikakaila na talagang nagpamalas sila ng matinding determinasyon at husay upang makamit ang tagumpay para sa ating bansa.
Umaasa tayo na hindi natatapos sa pagpapasalamat at pagsasabing proud ang Pilipinas sa kanilang pagkapanalo.
Kailangang mas suportahan pa ang ating mga atleta.
Bilang sukli sa kanilang sakripisyo at dedikasyon, hindi naman siguro kalabisan kung patuloy na itataguyod ang mas malaking pondo para sa mga programang pang-sports ng bansa, lalo na ang insentibo at benepisyo para sa mga atletang kumakatawan sa ating bansa at sumasali sa mga pandaigdigang kompetisyon.