Dagupan City – Patuloy na nakikita ang positibong epekto ng Barangay Drug Clearing Program, bahagi ng demand reduction strategy ng pamahalaan upang gawing drug-cleared o drug-free ang bawat barangay sa bansa.
Ayon kay Atty. Benjamin Gaspi, Regional Director, Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1, sa kanilang ulat noong 2017, umabot sa 84% ang drug affectation sa Rehiyon 1.
Ngunit dahil sa tuloy-tuloy na implementasyon ng programa at sa paggamit ng holistic o whole-of-nation approach, tinatayang nasa 6.4% na lamang.
Pinangunahan ng PDEA ang pagpupulong ng Regional Oversight Committee (ROC) for Barangay Drug Clearing, kasama ang mga ahensya ng Philippine National Police (PNP), Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Health (DOH).
Layunin nila na repasuhin, talakayin, at aksyunan ang mga petisyon ng mga barangay, munisipalidad, at lalawigan na nais ideklarang drug-cleared.
Kamakailan, sa naganap na 4th ROC deliberation sa lalawigan ng Ilocos Sur, tatlong local government units at nasa 14 na barangay ang naideklarang drug-cleared, na nagbigay ng karagdagang pagbaba sa bilang ng mga apektadong barangay sa rehiyon.
Ayon pa kay Atty. Gaspi, kung magpapatuloy ang pagtutulungan ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC), Municipal ADAC, Barangay Officials, Lokal na Pamahalaan, Barangay Health Workers (BHW), at PDEA, mas maraming barangay ang makapaghahain ng petisyon sa komite upang maideklarang drug-cleared. Ito ay ayon sa mga panuntunang itinakda ng Dangerous Drugs Board.
Patuloy ang panawagan ng mga awtoridad para sa mas malawak pang kooperasyon upang tuluyang makamit ang layuning gawing ligtas at walang ilegal na droga ang buong Rehiyon 1.










