DAGUPAN CITY- Umaabot sa 25,000 na mga paaralan ang natuklasan ng Edcom 2 na nakakaranas ng kakulangan ng guro o walang principal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Benjo Basas, chairperson ng Teachers Dignity Coalition, ilan sa mga dahilan kaya ito nangyayari ay ang malayong paaralan, walang qualified na personnel para maging punong guro, at ang pagkakaroon ng over-supply.
Aniya, ang kawalan ng principal ay magdudulot ng kakulangan ng namumuno sa isang paaralan. Ito kase ang nagsisilbing supervisor sa paaralan at ang siyang namamahala roon.
Sa kasalukuyan kase ay tanging Officer-in-charge lamang ang mayroon sa ilang mga paaralan ngunit ang sahod na kanilang kinikita ay pinapantay lamang sa tunay nilang posisyon.
Hindi rin kakayanin ng isang principal kung dalawang paaralan ang kaninag hahawakan.
Ayon kay Basas, maaari naman mapag-aralan ang mga kinakailangan upang maging principal. Mahalagang makunsidera ang kapasidad nito sa pamamahala upang masabing pasok ito sa pwesto.
Gayunpaman, nananatiling malaki pa rin ang bilang na kinakailangan ng bansa para matugunan ang kakulangan na tauhan sa edukasyon.
Kung magagawa lamang na makapag-appoint o makapag-hire na pupuna sa kakulangang bilang ay malulutas ang nasabing problema.
Maliban naman sa mga principal, malaki rin ang kakulangan sa mga guro.
Aniya, mayroon silang nakikitang 90,000 na kulang sa classroom teachers at maaari pa itong mabawasan o madagdagan.
Bagaman marami rin talaga ang mga LET passers, ngunit hindi aniya ito kayang ma-absorb ng Department of Education (DEPED) para mapunan ang mga pagkukulang.
Eligibility man ang kanilang pagkapasa, ngunit kinukulang lamang ng pondo para matanggap ang malaking bilang ng mga guro.