DAGUPAN CITY- Ramdam ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang matinding epekto sa naganap na pambobomba sa nasabing bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Eva Maranan, Bombo International News Correspondent sa Israel, mas malalakas umano ang missile na ibinato ng Iran kumpara sa mga nagdaang taon, dahilan upang tuluyang mabalot ng takot at pangamba ang publiko.
Aniya, sa oras na tumunog ang alarm, agad itong nagsisilbing babala na may panganib na nagaganap sa paligid.
Malaking tulong umano ang presensya ng mga bomb shelter sa kanilang lugar na agad nilang pinupuntahan para masigurong ligtas ang lahat.
Dahil dito, limitado na rin ang paglabas ng mga tao at mas nagiging alerto ang lahat sa posibleng susunod na kaganapan.
Ikinuwento rin niya na may ilang OFWs na naghihintay na lamang ng repatriation o agarang pagpapauwi upang makaiwas sa kapahamakan.
Subalit mayroon pa rin umanong ilan na ayaw pang umuwi sa pag-asang muling magiging maayos ang sitwasyon at mapapanatili nila ang kanilang trabaho.
Sa huli, hiniling ni Maranan sa pamahalaan na gumawa ng agarang hakbang para sa ligtas na pag-uwi ng mga Pilipino sa gitna ng tumitinding kaguluhan sa Israel.