Patuloy na makararanas ng malalakas na pag-ulan ang malaking bahagi ng Luzon at ilang lugar sa Visayas dahil sa umiiral na Habagat.

Ayon kay weather forecaster Gener Quitlong, normal sa panahon ng Habagat ang pabago-bagong lagay ng panahon mula sa panandaliang paghina ng ulan hanggang sa biglaang pagbuhos nito.

Aniya, wala mang direktang bagyo sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), isang bagyo na nasa labas ng bansa at papalapit sa Taiwan ang nakatutulong sa pagpapalakas ng Habagat.

--Ads--

Dahil dito, nakararanas ng tuluy-tuloy at kung minsan ay matinding pag-ulan ang Northern Luzon, Central Luzon, Southern Luzon at kanlurang bahagi ng Visayas, kabilang ang Pangasinan.

Ayon kay Quitlong, inaasahang magpapatuloy ang maulang panahon mula ngayon hanggang bukas habang nananatiling nakaaapekto sa Habagat ang bagyo.

Kung hindi magbabago ang direksiyon ng bagyo at tuluyan itong mag-landfall sa bahagi ng mainland China, posibleng humina ang epekto nito sa Habagat.

Dahil dito, may posibilidad na gumanda ang kondisyon ng panahon mula Lunes ng hapon hanggang Martes ng gabi, bagama’t kailangan pa ring bantayan ang mga susunod na weather disturbance.

Ipinaliwanag din ni Quitlong ang kahulugan ng mga rainfall warning na inilalabas ng weather authorities, partikular ang yellow, orange at red rainfall warnings.

Aniya, ginagamit ang Doppler radar upang matukoy ang tindi ng pag-ulan at kung aling mga lugar ang posibleng makaranas ng matinding buhos ng ulan.

Ang yellow warning ay indikasyon na maaaring magkaroon ng mabigat hanggang matinding pag-ulan. Kapag mas tumindi pa ang inaasahang rainfall, maaaring itaas ito sa orange o red warning.

Binigyang-diin ni Quitlong na hindi dapat balewalain ang kahit yellow rainfall warning dahil maaari pa rin itong magdulot ng pagbaha, lalo na sa mga lugar na mababa, flood-prone at malapit sa mga ilog.

Bukod sa kasalukuyang weather disturbance, isang low-pressure area (LPA) na malapit sa Philippine Area of Responsibility ang patuloy ding mino-monitor.

Ayon kay Quitlong, may posibilidad na lumakas ang nasabing LPA, ngunit hindi pa matukoy nang eksakto ang magiging galaw nito.

May ilang numerical weather models na nagpapakitang maaari itong lumayo sa bansa, ngunit kailangan pa rin itong subaybayan dahil maaari itong makaapekto sa magiging kondisyon ng panahon sa mga susunod na araw.

Nilinaw din ng weather forecaster na ang malalakas na pag-ulan na naranasan sa Pangasinan, Northern Luzon at Central Luzon ay hindi lamang dulot ng isang weather system.

Ayon sa kanya, pinagsamang epekto ng Habagat at low-pressure area ang dahilan ng ilang malalakas na pag-ulan na naranasan kamakailan, partikular sa kanlurang bahagi ng Luzon.

Samantala, pinayuhan ni Quitlong ang publiko na manatiling updated sa mga opisyal na weather bulletin at rainfall warning.

Hinikayat din niya ang mga residente, lalo na ang mga nasa mabababang lugar at mga lugar na madaling bahain, na maging mapagmatyag at huwag balewalain ang anumang rainfall warning o abiso mula sa mga awtoridad.