Inaasahan ang malakihang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ngayong darating na linggo.
Sa pagtaya ng Department of Energy (DOE), ang presyo ng gasolina ay tataas ng P1.10 hanggang P1.40 kada litro.
Nasa P1.70 hanggang P1.90 kada litro naman ang posibleng dagdag sa presyo ng diesel at P1.10 hanggang P1.20 kada litro sa kerosene.
Ayon kay DOE Oil Industry Management Bureau Director III Rodela Romero, ang pagtaya ay base sa four-day international trading.
Sinabi ni Romero na tumaas ang presyo ng langis sa nakalipas na apat na araw dahil inaasahang babawasan ng bagyo ang output ng United States sa Gulf of Mexico, inantala ng OPEC+ ang planong dagdagan ang produksiyon sa Disyembre, at plano ng US Federal Reserve na magpatupad ng panibagong interest rate cut.
Ayon kay Romero, ang iba pang contributing factors ay ang paghina ng piso, ang premium na idinagdag sa pagbili ng mga produktong petrolyo, at ang freight cost.
Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes, na kanilang ipinatutupad kinabukasan.