Dagupan City – Kinakalangang maregulate ang presyo at produksyon ng malakihang pagbagsak sa presyo ng kamatis.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Engr. Rosendo So, chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), isa sa mga dahilan kasi nito ay ang sabay-sabay na anihan ng mga produkto kung kaya’t ang dating sumipang presyo ng kamatis sa P200+ kada kilo, ngayon ay bumagsak na lamang sa P10.
Kung kaya’t kinakailangan aniya ng constant na tulong mula sa pamahalaan upang matulungan ang mga magsasaka, lalo na sa pag-regulate ng presyo at produksyon ng kamatis.
At isa na nga sa maaring gawing solusyon ay ang pagtatakda ng Maximum Suggested Retail Price (MSRP) upang maiwasan ang labis na pagtaas ng presyo ng produkto sa merkado.
Nauna nang sinabi ng SINAG na maraming kamatis sa Nueva Ecija, partikular sa Bongabon, ang itinatapon na lamang dahil sa pagbagsak ng presyo nito na umaabot na lang sa P4 hanggang P6 kada kilo. Mas mababa ito sa dating P8 hanggang P10 na production cost ng mga magsasaka.
Marami na rin aniyang magsasaka ang nalugi at hindi na maibenta ang kanilang mga ani.
Samantala, kaugnay naman sa isyu ng baboy, muling binigyang diin ni So na hindi solusyon ang importasyon ng karne, dahil hindi naman bumababa ang presyo sa merkado. Sa halip, mas nakakaapekto ito sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.
Sa kabilang banda, nanawagan ang SINAG ng mga konkretong hakbang upang matugunan ang isyu ng oversupply at presyo ng mga pangunahing produkto sa bansa.