DAGUPAN CITY- Patuloy nakaantabay ang mga awtoridad sa Taiwan sa paglapit ng Bagyong Kong-rey sa kanilang bansa dahil may tatlo itong posibleng tunguhan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jason Baculinao, Bombo International News Correspondent sa naturang bansa, maaari aniya itong dumeretso sa Northern Philippines o di kaya’y magtuloy paderetso sa Japan, gayunpaman, kung nagpatuloy naman itong kumilos pasilangan ay inaasahan ang paglandfall sa Taiwan.
Aniya, inaasahan pa nilang mas lalakas ang bagyo habang kumikilos ito patungo sa kanilang bansa.
At kung sakaling maglandfall ito sa kanilang bansa, maaari pa itong magdadala ng malakas na hangin at pag-ulan at posibleng tumaas sa Category 1 Typhoon ang bagyo.
Nag-abiso na rin ang kanilang gobyerno na maaari itong magdala ng malakas na pag-ulan sa Northern Tawain habang papalapit pa lamang ito at magdudulot ng pagguho ng mga lupa o landslide.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Baculinao na nakakaranas na sila ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at hindi gaanong kalakasang hangin dulot ng bagyo.
Bagaman hindi pa ito gaanong nararamdaman kaya hindi pa nagkakaroon ng kanselasyon ng mga pasok sa paaralan at sa flight schedules ng mga airport.