BOMBO DAGUPAN- Problema sa pangkabuhayan ng mga mangingisda ang malakas na alon sa karagatan dulot ng habagat bago pa dumating ang bagyong Carina.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Fernando Hicap, Chairperson ng PAMALAKAYA, lalong hindi na nakapalaot pa ang mga mangingisda nang palakasin ng bagyo ang alon sa karagatan.

Karagdagan pa ang naging problema sa Manila bay kaya halos umabot sa 80% na kita nila ang nawala.

--Ads--

Ani Hicap, maging sa fishport ay hirap na silang makautang pa dahil nagiging limitado na para sa kanila.

Gayunpaman, pinipilit pa din pumalaot ng iba magkaroon lamang ng hanapbuhay. Subalit, hindi pa rin aniya maiwasan na magkaroon ng aksidente dahil sinasalubong sila ng malalakas na alon na nagiging sanhi ng pagkakataob ng kanilang bangka.

Samantala, nakatanggap na din ng ayuda ang mga mangingisda mula sa lokal na pamahalaan subalit limitado lamang aniya ito.

Giit ni Hicap na kaya ilan lang ang nakatanggap dahil ginamit ito para politika.

Sa kabilang dako, sinabi din ni Hicap na karagdagang problema para sa mga mangingisda ang oil spill sa lumubog na oil tanker sa Bataan, Bulacan.

Matatamaan kase ang mga ito sa maaaring fishing ban kapag kontaminado na nito ang katubigan.

Kaugnay nito, magdudulot ito ng pagkawala ng tirahan ng mga maliliit na isda.

Maliban diyan, maaapektuhan din nito ang kalusugan ng isang komunidad.