Naninindigan si dating Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano na may kinalaman ang Malakanyang sa pagsasampa ng sedition at iba pang criminal charges laban kina Vice President Leni Robredo, kasalukuyang mga senador na sina Leila de Lima at Risa Hontiveros maging ang dating mga senador na sina Bam Aquino at Antonio Trillanes at iba pang persolalidad kaugnay ng paglalabas sa ‘Ang Totoong Narcolist’ videos.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Alejano, sinabi nito na maituturing na katawa-tawa ang pangyayari gayong noong una ay hindi nila pinapaniwalaan at pinagbantaan pang aarestuhin si alyas Bikoy dahil sa pagdawit sa pamilya Duterte sa usapin ng iligal na droga.
Ngunit noong nabaligtad at oposisyon na ang itinuturo na nasa likod ng naturang videos ay biglang naging “credible” na umano si Bikoy. Pinaniwalaan pa aniya ito ng PNP at kinasuhan silang mga nasa oposisyon. Nakikita aniya nila na kapag oposisyon ang sangkot ay napakabilis gipitin ng administrasyon.
Umaasa si Alejano na hindi magamit ang mga empleyado ng gobyerno para sa pulitikal na interes katulad ng nangyayari sa kanila ngayon sapagkat hindi pa man napapatunayan at natatapos ang imbestigasyon ay nadungisan na ang kanilang mga pangalan.
Una nang itinanggi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na walang kinalaman ang Palasyo sa mga reklamo laban sa bise presidente at si alyas ‘Bikoy’ naman anya ang nasa likod nito.