DAGUPAN CITY — “Masarap sa pakiramdam.”
Ganito isinalarawan ni Luke Transporto, Philippine Women’s Football Association Member at Bombo International News Correspondent sa bansang New Zealand, ang naging pagkapanalo ng koponan ng Pilipinas laban sa isa sa mga host countries na New Zealand sa kanilang laro sa nagpapatuloy na FIFA Women’s World Cup 2023.
Sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag niya na ang pagkapanalo ng Filipinas ay isang malaking bagay para sa bansa lalo na’t ang Pilipinas ay dominado ng basketball at volleyball. Kaya isang maipagmamalaking bagay ang debut ng koponan ng bansa para sa naturang torneo na aniya ay ang pinakamataas na lebel ng laro sa mundo.
Saad pa nito na lalong kapanapanabik ang mga laro lalo na’t nagsisimula pa lamang ang Filipinas, kaya naman ay mas marami pang dapat na kaabangan sa kanilang mga laro.
Dagdag pa ni Transporto na dahil una nang natalo ang Filipinas laban sa koponan ng Switzerland, 2-0, at nanalo laban sa New Zealand, 1-0, ay may tyansa na kung mananalo ang Filipinas laban sa Norway ay lalabas ito bilang isa sa Top 2 teams ng Group A at magdadala naman sa kanila upang makapasok sa Round of 16.
Kaugnay nito ay kanyang ibinahagi a kinakailangang pagbutihin ng Filipinas ang kanilang pageensayo at paghahanda sa susunod nitong laro, lalo na’t magaling din ang koponan ng Norway na makakaharap nito sa darating na Hulyo 30.
Hinihikayat naman nito ang mga Pilipino na patuloy na bigyan ng suporta ang koponan ng bansa para sa kanilang nagpapatuloy na laro sa FIFA Women’s World Cup 2023.