Hindi bababa sa walong katao ang nasawi matapos hagupitin ng rekord na pag-ulan ang silangang bahagi ng Japan, habang libu-libong biyahero naman ang na-stranded sa Narita Airport.

Ayon kay Hannah Galvez, Bombo International News Correspondent sa Japan, inilarawan bilang walang kapantay ang tindi ng pag-ulan na nagdulot ng pagkawala ng kuryente sa tinatayang 20,000 hanggang 30,000 kabahayan sa Chiba Prefecture. Umabot naman sa 440,000 residente ang inutusang lumikas dahil sa banta ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Nakapagtala ang Chiba ng mahigit 100 millimeters ng ulan kada oras. Ayon kay Galvez, halos tatlong beses ito ng karaniwang dami ng pag-ulan sa buong buwan ng Agosto, na karaniwang nasa humigit-kumulang 110 millimeters.

--Ads--

Sinabi ni Galvez na kakaiba ang sitwasyon kahit ikumpara sa mga naitalang matitinding kondisyon ng panahon sa kasaysayan ng Japan. Marami na rin umano siyang nasaksihang kalamidad, ngunit hindi pa niya nararanasan ang ganitong kalakas na pag-ulan.

Dumating ang matinding pag-ulan matapos ang sunod-sunod na bagyong tumama sa Japan at mga karatig-bansa ngayong linggo. Ayon sa mga meteorologist, posibleng maging hindi pangkaraniwang aktibo ang panahon ng bagyo ngayong taon.

Patuloy namang nakatuon ang mga awtoridad sa pagsasagawa ng rescue operations at pagtiyak sa kaligtasan ng mga residente, lalo na sa mga lugar na may mataas na panganib ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Samantala, mabilis naman ang naging pagtugon ng mga awtoridad kaya unti-unti nang nakabalik sa kanilang mga tahanan ang mga residenteng inilikas. Karamihan din sa mga naapektuhang lugar ay naibalik na ang suplay ng kuryente.