Dagupan City – Mahigit 150 magsasaka ang dumalo sa Farmers Field Day na isinagawa sa Barangay Alitaya, Mangaldan nitong Pebrero 27, 2026, bilang bahagi ng Ilocos Research for Development Initiative and Support Enhancement for Rice (IRISE4Rice).

Layunin ng aktibidad na maipakita ang mga bagong pamamaraan sa pagtatanim ng palay at mapalakas ang produksyon sa ilalim ng proyekto na ipinatutupad sa piling lugar sa Ilocos Region.

‎Pinangunahan ang programa ng Department of Agriculture – Regional Field Office 1 katuwang ang Philippine Rice Research Institute, sa pakikipagtulungan ng Provincial Government of Pangasinan, National Irrigation Administration, at Local Government Unit of Mangaldan.

Tatlong taon nang isinasagawa ang proyekto sa lugar bilang isa sa mga napiling benepisyaryo sa rehiyon.

‎Kabilang sa itinampok ang paggamit ng mechanical transplanter at drum seeder, gayundin ang mas sistematikong pagtatanim ng hybrid rice.

--Ads--

Ayon sa mga datos na ibinahagi sa pagtitipon, layon ng mga teknolohiyang ito na mapababa ang gastusin sa paggawa at mapataas ang ani kada ektarya.

Ilan sa mga magsasakang sumubok ng mga makinarya ang nag-ulat ng mas mabilis na operasyon sa bukid at mas episyenteng paggamit ng binhi.

‎Tinalakay din sa programa ang mga hakbang para sa mas maayos na pagbili at pag-iimbak ng palay sa antas lokal, kabilang ang planong direktang pagkuha ng suplay mula sa mga magsasaka para sa rice stockpile ng pamahalaan.

Inilahad din ang posibilidad ng pag-aplay ng mga asosasyon para sa pondong magagamit sa pagpapatayo ng rice mill, dryer at storage facility bilang tugon sa pangangailangan sa post-harvest support.

Nagtapos ang aktibidad sa pamamahagi ng ilang kagamitang pang-agrikultura sa pamamagitan ng raffle.