DAGUPAN CITY- Isinagawa ang ikalawang pagdinig ng committee hearing sa Sangguniang Panlungsod ng Dagupan para sa mungkahing “Freedom of Information and Transparency Mechanism Ordinance of 2025”, isang ordinansang naglalayong palakasin ang karapatan ng mga mamamayan sa malayang pag-access sa pampublikong impormasyon at datos mula sa pamahalaang lungsod.

Binuo ito ng pitong miyembro mula sa majority ng konseho.

Layunin ng ordinansa na gawing mas bukas, transparent, at responsable ang pamahalaang lungsod sa pagbibigay ng impormasyon na may kinalaman sa mga programa, proyekto, at mga dokumentong pampubliko.

--Ads--

Pinamunuan ang pagtalakay ni City Councilor Redford Christian Erfe-Mejia, na siya ring Vice Chairman ng Committee on Public Information, Communications and Technology.

Paliwanag ng konseho, mahalagang maipatupad ang ordinansa upang mabigyan ng mas madaling paraan ang mga Dagupeño na humingi ng impormasyon at malaman ang anumang probisyong may kinalaman sa kanilang interes o kapakanan.

Bagamat nasa proseso pa rin ng pagtalakay, umaasa ang mga nagsusulong ng ordinansa na kung hindi man ito tuluyang maaprubahan ng alkalde ng lungsod, sana ay mapalawak o mapaganda pa ito upang higit na mapakinabangan ng mga mamamayan ng Dagupan.