Inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na simula sa Martes, Abril 14, ipatutupad ang malaking rollback sa presyo ng langis.

Aabot sa mahigit P20 ang ibababa sa presyo ng diesel, habang P4.43 naman ang tapyas sa bawat litro ng gasolina.

Samantala, bababa rin ng P8.50 kada litro ang presyo ng kerosene.

--Ads--

Sinabi ni Pang. Marcos na malaking ginhawa ito para sa mga tsuper, commuter, at mga pamilyang Pilipino na patuloy na apektado ng mataas na presyo ng krudo.

Gayunpaman, inamin ng Pangulo na hindi pa sapat ang nasabing hakbang. Binigyang-diin niya na patuloy ang ginagawa ng pamahalaan upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa araw-araw na pamumuhay ng mamamayan.

Iginiit din niya na hindi titigil ang gobyerno hangga’t hindi napapababa ang gastos sa transportasyon, pagkain, at iba pang pangunahing pangangailangan.

Dagdag pa ng Pangulo, may mga susunod pang anunsyo sa mga darating na araw at linggo hinggil sa karagdagang hakbang at tulong mula sa pamahalaan.

Tiniyak ni Marcos na hindi pababayaan ang bawat Pilipino sa gitna ng kasalukuyang mga hamon, at patuloy ang pagsisikap ng gobyerno upang maramdaman ang ginhawa sa bawat tahanan.