DAGUPAN CITY — Halos isang dekada na.
Ganito ani Nico Oba, miyembro ng Filipino Nurses United, katagal na panahong hindi naipatutupad ang Nursing Law.
Sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na marami sa mga nursing graduates ang sa halip na gawing regular pagpasok nila ng trabaho, ay ginagawa muna silang mga trainees kung saan ay kinakailangan pa nilang magbayad at makakuha ng certification.
Dahil dito aniya ay marami ang mga nurses ang pinipiling maghanap ng ibang trabaho sa ibang bansa sapagkat hindi tumatatak sa kanilang isipan o puso na mahalin ang bansang Pilipinas at magsilbi at magbigay ng serbisyo sa taumbayan na mas nangangailangan ng pagkalinga nila.
Kaya naman ngayong pinaka-kailangan ng bansa ang mga nurses ay marami na sa mga ito ang hindi na kaya pang tiisin ang pamamalakad ng pamahalaan at ang nananaig nilang suliranin sa kabila ng mga pagkilos nila upang humingi at iparating sa mga kianuukulan ang kanilang mga panawagan.
Dagdag pa nito na sa ganitong pagkakataon ay lalo pa sanang pagsumikapan ng pamahalaan na matugunan ang suliraning ito at magpatupad ng konkretong hakbang upang matapatan at mapantayan ng bansa ang sahod para sa mga nurses at healthcare workers sa ibang mga bansa.
Aniya na kung nais din ng Pilipinas na manatili na lamang ang nga nurses sa bansa ay hindi lamang sasapat ang iisang hakbang upang makumbinsi ang mag ito na magsilbi sa kanilang bayan, o ang mas lalong kawalan ng mga maiigting at kagyat na programa at mekanismo sa pagtulong at pagkalinga sa mga ito ang mas lalong mag-uudyok sa mga ito na makipagsapalaran na lamang sa ibayong dagat.