Naniniwala si Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang political law expert, na mahina ang mga rason na pinagbabatayan ng impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng abogado na bagama’t naihain na ang impeachment complaint, marami pa rin umanong legal na isyung dapat isaalang-alang, lalo na ang mga patakarang itinakda ng Korte Suprema hinggil sa paghahain at pagbasura ng reklamo, kabilang ang tinatawag na one-bar rule kaugnay ng impeachment complaints at proceedings.
Ayon kay Atty. Cera, kabilang sa mga alegasyong nakapaloob sa impeachment ang usapin ng unprogrammed funds sa pambansang badyet, subalit madali rin umano itong maibasura sa House Justice Committee.
Gayunman, kapag nakakuha ng boto mula sa isang-katlo ng mga miyembro ng Kamara, maaari itong direktang maipasa bilang Articles of Impeachment sa Senado.
Binigyang-diin ng abogado na mahalaga pa rin ang pagsunod sa due process, kung saan kinakailangang tawagin ang respondent upang makapagsumite ng sagot at magsumite ng sapat na ebidensya bago pa man maipadala ang kaso sa Senado para sa paglilitis.
Dagdag pa niya na hindi basta basta magtagumpay d ang isang impeachment complaint kung lalabas na pang haras lamang.
Matatandaan na ang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay isinampa ng abogado na si Andre de Jesus na nag-akusa kay Marcos ng graft at korapsyon, culpable violation ng Konstitusyon, at pagtataksil sa tiwala ng publiko.
Kabilang din sa reklamo ang umano’y “kakulangan sa kakayahang magsilbi” ng Pangulo dahil sa alegadong pagkakaadik sa droga, na sinasabing sinusuportahan ng dating pahayag ng kanyang kapatid na si Senadora Imee Marcos.










