Mahigpit na seguridad ang pinaiiral ngayon sa bansang Israel kasunod ng nararanasang rocket attacks doon.
Ito ang nabatid mula kay Bombo International Correspondent Karen Kaye Crisostomo, sa panayam ng Bombo Radyo.
Aniya, nakapakalat na ang mga otoridad sa iba’t-ibang lugar sa bansa dahil sa insidente para sa pagbibigay ng seguridad sa publiko.
Nabatid na nagsimula ang pag-atake ng Islamic Jihad Movement, isang palestinian terror group mula sa Gaza matapos na mapatay sa isang Israeli Operation ang kanilang senior commander na si Baha Abu al-Ata matapos na tamaan sa isang strike ang tahanan nito.
Dagdag pa ni Crisostomo, sa nakalap nitong impormasyon ay hindi bababa sa 50 rocket ang naintercept o naharang ng Israel na mula sa mga Jihadist.
Samantala, pinag-iingat ngayon ng Embahada ng Pilipinas ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa bansang Israel, kasunod ng nararanasang rocket attacks doon.
Aniya, agad silang inabisuhan ng Philipphine Embassy dahil sa rocket attack na sumiklab sa Southern Israel kahapon ng umaga (oras sa Pilipinas).
Dagdag pa nito na bagamat halos 30 minuto ang layo ng byahe mula sa kinaroroonan nitong Holon patungong Tel Aviv ay ramdam ang mga malalakas na pagsabog kasunod ng ginagawang pag-intercept o pagharang ng Gobierno ng Israel sa mga rocket attacks ng Islamic Jihad Movement, isang palestinian terror group mula sa Gaza.
Si Crisostomo ay dating Chief of Reporter ng Bombo Radyo Dagupan bago matungo sa Israel bilang isang Overseas Filipino Worker (OFW) na nakabase ngayon sa Holon, Israel.