Dagupan City – Patuloy na nagpapatupad ng mahigpit na inspeksyon ang Pamahalaang Bayan ng Lingayen sa pampublikong pamilihan upang matiyak na ligtas at dekalidad ang mga produktong karne na ibinebenta sa mga mamimili.

Ayon kay Lingayen Market Supervisor Arnulfo S. Bernardo, araw-araw na isinasagawa ang pagmomonitor sa mga pumapasok na karne ng baboy at manok sa palengke.

Binigyang-diin ni Bernardo na mahalaga ang masusing inspeksyon lalo na sa banta ng African Swine Fever (ASF) sa mga baboy at Avian Influenza o bird flu sa mga manok.

--Ads--

Sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagbabantay ng mga meat inspector, natitiyak na ang mga produktong ibinebenta sa pamilihan ay ligtas para sa publiko.

Bukod sa inspeksyon, patuloy ring mino-monitor ng Market Office ang pang-araw-araw na operasyon sa loob ng palengke, kabilang ang koordinasyon sa mga kolektor.

Bagama’t ang Municipal Treasury Office ang pangunahing nangangasiwa sa pangongolekta ng mga bayarin, katuwang ang Market Office sa pagtiyak ng maayos na pagpapatupad ng mga proseso sa loob ng pamilihan.

Samantala, sinabi rin ni Bernardo na bagama’t wala pang regular na pagsasanay para sa mga vendor at market stall holders na direktang pinangangasiwaan ng kanilang tanggapan, nananatili ang kanilang pagtutok sa maayos na pamamahala at pagpapanatili ng kaayusan sa pampublikong pamilihan.

Sa pamamagitan ng mahigpit na inspeksyon at tuloy-tuloy na pagmomonitor, layunin ng Pamahalaang Bayan ng Lingayen na mapangalagaan ang kalusugan ng mga mamimili at mapanatili ang tiwala ng publiko sa mga produktong ibinebenta sa Lingayen Public Market.