DAGUPAN CITY — Hindi bababa sa P2-million ang halaga ng nakumpiskang ilegal na droga mula sa isang High Value Individual sa isinagawang Anti-Illegal Drug Buybust Operation sa bayan ng Lingayen, sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCapt. Renan dela Cruz, Public Information Officer ng Pangasinan Police Provincial Office, ibinahagi nito na nahuli sa akto ang 36-anyos na suspek na kinilalang si Jonathan Dela Rosa Martin, 36-anyos, may asawa, walang trabaho, at residente ng Brgy. Palimbo, Caarosipan, Camling, Tarlac sa pangunguna ng Philippine Drug Enforcement Unit, katuwang ang Police Intelligence Unit, at Lingayen Municipal Police Station, sa pakikipagugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency-Regional Office 1.
Ani Dela Cruz na matagal nang minamanmanan ng mga awtoridad ang suspek na dmadayo lamang sa lalawigan para sa mga transaksyon nito ng ilegal na droga, at namataang mayroong boarding house sa bayan ng Malasiqui.
Lumalabas din sa kanilang isinagawang imbestigasyon na ang mga parokyano nito ay nanggagaling pa sa labas ng lalawigan at ginagawa lamang ang kanilang mga transaksyon sa Pangasinan.
Sa kanilang operasyon, nakumpiska mula sa suspek ang 5 knot-tied plastic sachets at isang heat-sealed plastic transparent sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at may kabuuang bigat na 300 grams at may Standard Drug Price (SDP) na P2,040,000.
Nakumpiska rin sa posesyon ng suspek ang buybust money at ang scooter na gamit nito.
Matapos nito agad namang dinala ng PDEU ang nakumpiskang mga ilegal na droga para sa drug testing at laboratory examination ng Philippine National Police Provincial Forensic Unit.
Pagsasaad pa ni Dela Cruz na bihasa na ang suspek sa pagbebenta ng mga droga sapagkat nakita na sa loob ng chamois o panlinis ng sasakyan nakita ang mga nakumpiskang pinagbabawal na gamot mula rito.
Napagalaman din na kalalabas lamang ng suspek mula sa piitan dahil sa kasong isinampa laban dito sa Tarlac, at may kaso rin itong kinahaharap sa NCR.
Kaugnay nito ay patuloy din ang isinasagawa nilang validation sa mga nakuha nilang pahayag mula sa suspek at gayon na rin sa iba pang mga kapulisan upang malaman kung may ibang kaso pa itong kinakaharap.
Sa kasalukuyan ay nakapiit ang suspek sa kustodiya ng Lingayen Municipal Police Station para sa kaukulang disposisyon, habang tinitignan na rin kung kinakailangan itong ilipat sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ito ang isa sa pinakamalaking halaga na nakumpiksa ng hanay ng kapulisan sa isinagawang drug buybust operation sa lalawigan ng Pangasinan.