Dagupan City – Umabot sa mahigit P15 milyon ang kabuuang pinsala sa agrikultura at imprastraktura sa bayan ng Labrador, Pangasinan matapos ang pananalasa ng nagdaang bagyo at malakas na Habagat, ayon sa ulat ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Labrador Mayor Noel Uson, labis na naapektuhan ang sektor ng agrikultura, na siyang pangunahing kabuhayan ng mga residente.
Samantala, tinatayang nasa P5 milyon naman ang halaga ng mga napinsalang imprastraktura, kabilang na ang mga kalsada, tulay, at ilang pampublikong pasilidad.
Sa kabila ng pinsalang dulot ng kalamidad, tiniyak ng alkalde na lahat ng naapektuhan ay nakatanggap ng tulong mula sa lokal na pamahalaan katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine National Police (PNP), at Bureau of Fire Protection (BFP).
Aabot naman sa 9,000 food packs na may kasamang 5 kilong bigas bawat isa ang naipaabot upang matulungan ang mga pamilyang nasalanta.
Ipinahayag din niya na ang pondong ginamit para sa relief operations ay mula sa budget ng taong 2024, na hindi nagalaw noong nakaraang taon.
Dahil dito, hindi pa naapektuhan ang nakalaang budget para sa taong 2025.