DAGUPAN CITY — Hindi bababa sa P340,000 na halaga ng pinagbabawal na droga ang nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency-Pangasinan mula sa dalawang high-value target drug personalities sa lungsod ng Urdaneta.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mariepe de Guzman, Public Information Officer ng PDEA-Pangasinan Provincial Office, sinabi nito na ilang linggo nang nasa ilalim ng kanilang surveillance ang dalawang suspek na kinilalang sina Kenneth Earl G. Garcia, at Mary Grace P. Sandoval.
Aniya na nang isagawa nila ang kanilang operasyon, nagkataon na kagagagling ni Sandoval mula sa Sta. Mesa, Manila upang magsuplay ng ilegal na droga. Habang si Garcia naman ay mayroon ng record sa kanilang himpilan matapos itong maaresto noong 2022, at naka-bail lamang ito sa kasong kanyang kinakaharap.
Nakumpiska naman mula sa mga ito ang isang pakete ng shabu na may timbang na humigit kumulang 50 gramo, dalawang mobile phones, dalawang brown envelopes, susi, isang motorsiklo, at ang ginamit na buy-bust money.
Patuloy naman ang isinasagawa nilang operasyon upang malaman o makilala ang posibleng mag koneksyon pa ng mga suspek at mga nakatransaksyo ng mga ito para makapagsagawa sila ng surveillance sa mga personalities na makikita sa contacts ng mga suspek.
Samantala, nahaharap naman sa kasong may kaugnayan sa paglabag sa Sections 5 (Sale of Dangerous Drugs) at 26 (Conspiracy to Sell Dangerous Drugs) sa ilalim ng Article II ng Republic Act No, 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na sa ngayon ay nasa kustodiya na ng PDEA Pangasinan Provincial detention facility.
Samantala, nasa tinatayang P374,000 na halaga naman ng shabu ang nakumpiska kasabay ng pagkakaaresto sa apat na drug personalities sa lalawigan ng La Union.
Sa kaugnay na panayam kay de Guzman, sinabi nito na sa magkakasamang pwersa ng PDEA-La Union Provincial Office, Police Regional Office I-Regional Drug Enforcement Unit, at ng Bacnotan Police Station ay naaresto nila ang apat na indibidwal sa kanilang ikinasang buy-bust operation.
Ani de Guzman na nangyari ang kanilang operasyon sa isang inn kung saan ay nakatakas ang kanilang ka-transact, kaya naman kaagad silang nagsagawa ng follow-up operation sa paghuli sa suspek at tatlo pang mga kasamahan nito.
Sinabi nito na nakumpiska nila mula sa operasyon ang dalawang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na may tinatayang gramo ng humigit kumulang 55 gramo, apat na mobile phones, dalawang timbangan, ilang drug paraphernalia, dalawang wallet na naglalaman ng identification cards, cash na nagkakahalaga ng P2,000 sa iba’t ibang denominasyon, isang sasakyan, at ang ginamit na buy-bust money.
Tinitingnan din nila ang posibilidad ng iba pang katransakyon ng mga suspek o kung mayroon pang ibang mga kasamahan ang mga ito, lalo na’t magkakaibang lugar ang kanilang pinanggalingan gaya na lamang ng La Trinidad, Baguio, Ilocos Sur, at ang isa naman ay taga-La Union.
Nahaharap naman sa kasong paglabag sa Sections 5 (Sale of Dangerous Drugs) 11 (Possession of Dangerous Drugs), at 12 (Possession of Drug Paraphernalia) sa ilalim ng Article II ng Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspek na nasa kustodiya na ng PDEA ROI detention facility.