DAGUPAN CITY- Matagumpay na nakumpiska ng PNP Dagupan ang mahigit kalahating milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawaang buy-bust operation sa Brgy. Bonuan Binloc, Dagupan City.

Pinangunahan ang operasyon ng PNP Dagupan katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) RO1 upang masakote ang isang high-value individual na tulak ng droga.

Ayon kay PLt.Col. Brendon Palisoc, Chief of Police ng Dagupan PNP, Nakumpiska mula sa suspek ang 102 gramo ng hinihinalang shabu na nakabalot sa dalawang transparent plastic sachet, na nasa kabuuang halaga na 693,063 pesos.

--Ads--

Kasama sa mga nakumpiska ang marked money, boodle money, isang cellphone, isang brown box, at isang motorsiklo.

Ang operasyon ay isinagawa matapos ang masusing pagmamanman sa iligal na aktibidad ng suspek, na nakilalang si alyas “Ryan,” isang company driver mula sa Talavera, Nueva Ecija. Ayon sa mga awtoridad, ang suspek ay isang kilalang target sa ilalim ng kanilang kampanya laban sa ilegal na droga.

Sa kasalukuyan, ang suspek ay nasa kustodiya ng pulisya at haharap sa kasong paglabag sa Section 5 ng Art. II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Patuloy na pinagtitibay ng PNP Dagupan ang laban kontra sa ilegal na droga at tiyakin na mananagot ang mga sangkot sa mga ganitong gawain.

Hinihikayat ni PLtCol Palisoc ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad na mag-ulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad upang maging katuwang sa pagsugpo ng droga.