Itinuturing na malaking hamon sa sektor ng edukasyon ang mahigit dalawang linggong pagkaantala ng klase sa mga lugar na naapektuhan ng masamang panahon at Habagat.
Bukod sa pagkaantala sa pag-aaral, kailangan ding paghandaan ng mga paaralan kung paano hahabulin ang mga naantalang aralin sa mga susunod na linggo.
Ayon kay Lito Senieto, vice president ng National Parent-Teachers Association, malaking hamon sa mga school administrator ang pag-aayos ng academic calendar upang makahabol ang mga mag-aaral.
Aniya, mas mahirap itong gawin sa ilalim ng kasalukuyang tri-semester system dahil limang araw lamang ang nakalaan para sa catch-up activities.
Binigyang-diin ni Senieto na malaki ang naging epekto ng pagkawala ng klase sa pagkatuto ng mga estudyante, kaya dapat pag-aralan ang mga paraan upang matiyak na matatapos ang mga kinakailangang aralin.
Kabilang sa maaaring tingnan ang pagbabalik sa dating four-quarter system na nagbibigay ng mas mahabang panahon para sa paghabol sa mga naantalang klase.
Samantala, dagdag na hamon para sa mga guro ang paglilinis at pagsasaayos ng mga paaralang ginamit bilang evacuation center o naapektuhan ng baha.
Dahil dito, kailangan munang maibalik sa maayos at ligtas na kondisyon ang mga pasilidad bago tuluyang maipagpatuloy ang regular na klase.










