Dagupan City – Umabot sa lagpas 900 kilo ng mga ibat-ibang basura ang natanggal mula sa Imbelleng Creek sa mga barangay ng Poblacion I at Cablong sa isang malawakang clean-up drive na isinagawa kamakailan sa bayan ng Pozorrubio.

Pinangunahan ito ng Lokal na pamahalaan at Municipal Environment and Natural Resources sa pakikipagtulungan sa DENR CENRO Eastern Pangasinan, BJMP Male and Female dormitories, mga opisyal at tauhan ng nasabing barangay, mga grupo ng mga boluntaryo, at mga indibidwal.

Sinuyod ng mga environmental advocates ang halos isang kilometro ng estero, inaalis ang mga damo at pinupulot ang mga nakakalat na basura habang ang mga nakolektang basura ay dinala sa Central Material Recovery Facility (MRF) para sa pagbubukod-bukod, pagtimbang, at mga susunod na proseso ng pagsasaayos at pagtatapon.

--Ads--

Ang clean-up drive ay bahagi ng lingguhang Barangay Kalinisan Day (BarKaDa) ng DILG at ng Adopt-an-Estero program ng DENR-LGU Pozorrubio.

Layunin nito na mapanatili ang kalinisan ng tubig sa mga estero, kanal, at iba pang mga daluyan ng tubig patungo sa Angalacan River at Bued River System.

Hinihimok naman ng lokal na pamahalaan ang lahat na maging responsable sa pagtatapon ng basura, iwasan ang mga gawaing nakakasira sa kalikasan at nakasasama sa kalusugan, at makiisa sa kampanya tungo sa #zerowastepozorrubio.