Mahigit 6,000 ilegal na paputok at pyrotechnic devices na nagkakahalaga ng mahigit ₱90,000 ang sinira ng Dagupan City Police Office kaninang umaga.

Karamihan sa mga ito ay nakumpiska mula sa mga ilegal na vendor sa lungsod.

Nilublob sa tubig ang mga nasabing paputok habang ang mga modified muffler naman ay dinurog upang masigurong hindi na magagamit muli.

--Ads--

Ayon kay City Director Orly Pagaduan ng Dagupan City Police Office, mahigpit na ipatutupad ang nasabing batas hanggang sa susunod na taon o bago ang pagsalubong ng Bagong Taon upang masiguro na wala nang maitatala pang mga ilegal na pagawaan ng paputok sa lungsod.

Matatandaang dalawang indibidwal ang nasawi sa pagsabog sa Barangay Bacayao Norte na may kinalaman sa isang ilegal na pagawaan ng paputok.

Samantala, nagtala naman ng zero casualty ang lungsod sa nagdaang pagsalubong ng Bagong Taon bunsod ng mahigpit na deployment ng mga kapulisan sa iba’t ibang bahagi ng lungsod upang masawata ang mga gumagawa at nagbebenta ng ilegal na paputok.

Giit ni Pagaduan, ang tunay na diwa ng pagsalubong ng Bagong Taon ay ang kaligtasan ng bawat isa.