DAGUPAN CITY- Maayos at naging organisado ang isinagawang monitoring ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng San Fabian sa buong linggo ng Semana Santa, lalo na sa mga kilalang pasyalan sa bayan tulad ng baybayin na dinarayo ng mga turista tuwing Mahal na Araw.
Ayon kay Engr. Lope Juguilon, ang MDRRMO officer ng San Fabian, inaasahan na nila ang pagdagsa ng mga tao kaya’t maaga pa lamang ay naghanda na sila para sa mga posibleng insidente.
Aniya, may dalawang naitalang kaso ng pagkalunod kung saan ang mga biktima ay mula pa sa Valenzuela at Nueva Ecija. Sa kabutihang palad, agad na nasagip ang mga ito at kasalukuyang nagpapagaling sa kanilang mga lugar.
Samantala, nilinaw rin ni Juguilon na walang naitalang kaso ng jellyfish sting sa kasalukuyang taon, taliwas sa naging sitwasyon noong nakaraang taon na may mga naitalang insidente ng pagkakakagat ng jellyfish.
Tinatayang nasa mahigit kumulang 5,000 turista ang bumisita sa San Fabian mula Huwebes Santo hanggang Linggo ng Pagkabuhay. Mas mababa ito kumpara sa bilang ng mga bumisita noong nakaraang taon.
Sa kabuuan, naging mapayapa ang pagdiriwang ng Semana Santa sa bayan ng San Fabian.
Home Local News Mahigit 5,000 Turista Bumisita sa baybayin ng San Fabian; MDRRMO, nanatiling alerto...