DAGUPAN CITY- Aabot sa 169 na pamilya o 534 katao ang kasalukuyang nanunuluyan sa limang evacuation centers sa bayan ng Binmaley, Pangasinan matapos isagawa ang pre-emptive evacuation kaninang umaga.

‎Ayon kay Armenia Delos Angeles, MDRRMO Head ng Bayan, Pasado alas-nuebe ng umaga nang simulan ang paglilikas, lalo na sa mga barangay na nasa baybayin na unang posibleng maapektuhan.

Sa kasalukuyan, malalakas na hampas ng alon ang naitatala sa karagatang sakop ng Binmaley.

Patuloy itong binabantayan ng mga awtoridad dahil sa posibleng storm surge na maaaring magdulot ng biglaang pagtaas ng tubig sa mga kabahayan.

Pinayuhan ng lokal na pamahalaan ang mga residente na lumikas agad at huwag nang hintayin pang lumala ang kondisyon ng panahon upang maiwasan ang panganib, lalo na sa mga nakatira malapit sa dagat.

‎Samantala,Personal na tinungo ni Acting Mayor Edgar Mamenta ang ilang evacuation center sa lungsod upang alamin ang kalagayan ng mga pamilyang pansamantalang inilikas.

--Ads--

Sinuri ng alkalde ang kondisyon ng mga pasilidad, suplay ng pagkain, at kakulangan sa mga pangunahing pangangailangan ng mga evacuee.

Kasabay nito, tiniyak ni Mamenta na naka-full alert ang mga tanggapan ng pamahalaan para sa tuloy-tuloy na pagtugon sa anumang pangangailangan ng mga residente, kabilang ang mabilis na distribusyon ng tulong at pagpapanatili ng kaayusan sa mga evacuation site.

Nagbigay rin siya ng paalala sa publiko na manatiling alerto at makinig sa mga abiso ng awtoridad upang maiwasan ang abala o panganib, lalo na habang nagpapatuloy ang masamang panahon at posibleng mga aftershock sa lugar.

Sa ngayon, patuloy ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan sa mga ahensiya para matiyak na ligtas at maayos ang kalagayan ng mga apektadong pamilya.

‎Sa ngayon nagpapatuloy ang pagdating ng mga evacuees sa iba’t-ibang evacuation sites sa bayan habang nagpapatuloy naman ang pagreresponde ng awtoridad sa mga kabahayan