Dagupan City – Inihayag ni Dagupan City Mayor Belen T. Fernandez na umabot sa mahigit 500 pamilya ang lumikas sa mga evacuation center sa mga nakalipas na araw sa Dagupan City dahil sa patuloy na nararanasang pagbaha at pag-ulan.
Sa panayam, sinabi ni Fernandez na libo-libong indibidwal na ang naapektuhan ng mahigit isang buwang tuloy-tuloy na pag-ulan at pagbaha sa ilang bahagi ng lungsod na maaaring madagdagan pa ang bilang ng mga evacuee dahil hindi pa matiyak kung kailan tuluyang huhupa ang tubig-baha.
Ayon sa alkalde, isa sa mga pangunahing kinakaharap ng Dagupan ang pagtaas ng tubig dulot ng high tide at pag-apaw ng mga ilog, kabilang ang Sinucalan River na sinabayan pa ng pagpakawala ng San Roque dam.
Aniya, nagsisilbi kasing catch basin ang lungsod para sa tubig na nagmumula sa mga karatig lugar.
Dahil dito, sinabi ng alkalde na kailangan ng mas malawak at pangmatagalang pag-aaral at plano upang matugunan ang problema sa pagbaha sa lungsod.
Umaasa si Fernandez sa suporta ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon para maisulong ang mga kinakailangang pag-aaral at proyekto para sa Dagupan.
Binanggit din niya ang mga naging talakayan sa Regional Development Council (RDC) at iba pang regional meetings hinggil sa mga proyekto at plano para sa flood management.
Kabilang dito ang pakikipag-ugnayan sa bayan ng Calasiao at Santa Barbara na parehong palaging nakakaranas ng pagbaha gayundin ang paghiling ng master plan para sa Dagupan mula sa DPWH.
Samantala, iginiit ng alkalde na hindi dapat isisi lamang sa Dagupan ang malawakang pagbaha dahil nakaugnay ito sa sitwasyon ng mga karatig lugar at sa mga pangyayaring dulot ng kalikasan.
Ayon sa kanya, may mga lugar ding nakaranas ng matinding pagbaha gaya sa Bulacan, Pampanga at Tarlac na may dalawang tulay na nasira, dahilan upang maapektuhan ang pagbiyahe at paggalaw ng mga residente at sasakyan.
Binigyang-diin din ni Fernandez ang epekto ng climate change sa tumitinding mga kalamidad.
Sa kabila nito, tiniyak ng alkalde na patuloy na gagawin ng lokal na pamahalaan ang makakaya nito upang matugunan ang problema.
Gayunman, sinabi niyang hindi maaayos ang problema sa baha sa isang gabi lamang dahil nangangailangan ito ng malawakang pagpaplano, pondo at koordinasyon sa national government.
Kabilang sa mga hakbang na nabanggit niya ang mga proyektong kalsada at dike na isinagawa sa tulong ng national government at ng tanggapan ng kinatawan ng distrito, habang ang lokal na pamahalaan ay patuloy namang kumikilos sa pamamagitan ng local budget at Regional Development Council.
Ayon pa sa kanya, naipasa na rin ng lungsod sa mga kinauukulang ahensya ang mga pangangailangan ng Dagupan upang matugunan ang problema sa pagbaha.
Habang nagpapatuloy ang pagbaha, nanawagan ang alkalde sa mga residente na manatiling maingat, unahin ang kaligtasan ng pamilya at makipagtulungan sa mga awtoridad.









