Dagupan City – Tumaas ang bilang ng mga turistang bumibisita sa Alaminos City, partikular sa Hundred Islands sa kabila ng pinsalang iniwan ng nagdaang super typhoon.
Nitong weekend, nakapagtala ang lungsod ng 2,379 na turista sa loob lamang ng isang araw, bagay na hindi umano inaasahan ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Miguel Sison, Tourism Officer ng Alaminos City, nagpapatuloy ang rehabilitasyon sa mga isla matapos ang pananalasa ng bagyo, ngunit patuloy pa ring dumaragsa ang mga lokal at dayuhang bisita.
Mula Disyembre 1 hanggang sa kasalukuyan, umabot na sa 5,332 ang kabuuang tourist arrivals.
Ipinunto ni Sison na bagama’t may napinsalang imprastruktura gaya ng docking areas, tulay papunta sa zipline sa Quezon Island at boardwalks patungong Bonsai, nananatili namang buo ang mga pangunahing atraksyon.
May mga inilatag na alternatibong ruta upang madalaw pa rin ng mga turista ang lahat ng destinasyon sa loob ng naturang parke.
Sinabi rin niyang nananatiling malinaw at ligtas ang tubig para sa paglangoy at wala silang namomonitor na problema.
Dahil dito, marami ang sinasamantala ang paglangoy at iba pang aktibidad sa mga isla, lalo na ngayong papalapit ang holiday break.
Inaasahan ng lokal na pamahalaan na lalo pang tataas ang bilang ng bisita mula Disyembre 15 hanggang sa katapusan ng buwan, kasabay ng bakasyon ng mga estudyante at paghahanda ng mga pamilya para sa Pasko.
Iniimbitahan ng Alaminos City ang publiko na bisitahin at danasin ang mga tanawin at atraksyon ng Hundred Islands, na handa nang tumanggap ng mga bakasyunista ngayong Kapaskuhan.










