Dagupan City – Patuloy ang pamamahagi ng bigas sa mga residente ng Dagupan City sa ilalim ng programang rice assistance na suportado ng pambansang pamahalaan.
Ayon kay Mayor Belen Fernandez, nasa ikatlong yugto na ng distribusyon kung saan mahigit 48,000 sako ng bigas ang target na maipamahagi sa mga benepisyaryo.
Ipinabatid ng alkalde na nauna nang naipamahagi ang humigit-kumulang 19,000 sako ng bigas at inaasahang magpapatuloy pa ang mga susunod na rounds ng distribusyon upang mas marami pang pamilya ang mabigyan ng ayuda.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng sapat na pagkain, lalo na para sa mga bata, upang masuportahan ang kanilang kalusugan at pag-unlad.
Kasama sa programa ang pagbibigay ng tig-10 kilo ng bigas sa mga ina at iba pang sektor ng komunidad. Nakikinabang din sa iba’t ibang programa ng lungsod ang mga magsasaka, mangingisda, solo parents, senior citizens, at persons with disabilities (PWDs) sa pamamagitan ng karagdagang ayuda at suporta.
Samantala, pinuri rin ng alkalde ang mabilis na paglalabas ng pondo at tulong mula sa pambansang pamahalaan para sa mga lokal na pamahalaan. Aniya, mas napapadali ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan dahil sa agarang pagdating ng mga programa at serbisyong inilaan para sa mga komunidad.
Isa sa mga programang ipinatutupad sa lungsod ay ang pakikipagtulungan sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng Brigada Eskwela.
Sa programang ito, daan-daang tricycle drivers na pansamantalang nawalan ng kita ang nabigyan ng trabaho para tumulong sa paglilinis, pagkukumpuni, pagsesemento, at pagpipintura ng mga pampublikong paaralan sa Dagupan.
Inaasahan ding madaragdagan pa ang bilang ng mga benepisyaryo sa mga susunod na araw.
Ipinaliwanag ng alkalde na ang mga programang ito ay hindi simpleng pamimigay lamang ng ayuda kundi bahagi ng mas malawak na estratehiya upang makapagbigay ng kabuhayan at makalikha ng positibong resulta para sa komunidad.
Kasabay nito, hinikayat niya ang mga magulang, lalo na ang mga ina, na aktibong makibahagi sa paghubog ng edukasyon ng kanilang mga anak. Binigyang-diin niya ang mahalagang papel ng pamilya sa pagtuturo ng pagbasa at pagkatuto bilang pundasyon ng tagumpay ng bawat bata.
Naniniwala ang pamahalaang lungsod na sa pagtutulungan ng mga magulang, guro, at lokal na pamahalaan, mas mapapalakas ang kalidad ng edukasyon sa Dagupan at masisiguro na walang batang maiiwan sa pagkatuto.










